Si Isagani Fuentes, taga-Jesus Dela Pena, 47 na taong gulang ay isang guro, tapat na asawa at ama ng kanyang dalawang supling. Tubong Marikina, lumaki sa Marikina, nagtatrabaho sa Marikina. Malalaman mo na purong Marikeno si Isagani sa dami at lawak ng kanyang kaalaman tungkol sa bayang sinilangan. Nagturo siya bilang isang guro ng mahigit sa dalawampung taon sa Paaralang Elementarya ng Leodegario Victorino sa Jesus Dela Pena. Siya ay guro ng Matematika, Ingles, Heograpiya at Kasaysayan, Edukasyong Pisikal at Sining. Mahilig siyang makihalubilo sa mga bata. Gustong gusto niyang ibahagi sa mga kabataan ang kanyang nalalaman lalo na tungkol sa Sining.
Binisita namin si Isagani sa kanyang simple ngunit napakagandang bahay sa Jesus dela Pena. Agad kaming ipinakilala sa kanyang magandang asawa, si Liza. Malalaman mong bago lamang itong ipinagawa at napansin din namin na marami sa mga materyales ay gawa sa kahoy. "Karamihan sa mga upuan, lamesa, kabinet at aksents sa bahay na ito ay galing sa aming lumang bahay. Mahal na mahal namin ang aming lumang bahay na kinalakihan kaya pinilit kong kunin ang mga lumang kahoy mula sa dati naming bahay at ginawa kong palamuti sa aming bagong tahanan." Mahilig ding mangolekta ng mga lumang kagamitan si Isagani. Gaya ng mga banga, botelya at marami pang iba. Dinala kami ni Isagani sa pangatlong palapag ng kanyang bahay kung nasaan ang kanyang istudyo. Doon siya nagtatrabaho at madalas mag-ubos ng oras.
Nakita namin ang kanyang napakaraming trabaho at koleksyon. Marami din siyang mga koleksyon ng iba't-ibang mga babasahin. Patong-patong din ang kanyang mga nagawang mga sining. Sa labas lamang ng kanyang istudyo at meron siyang maliit ngunit maaliwalas na beranda. Maraming halaman ito at mga alagang ibon. Kita mo mula sa ikatlong palapag ang buong barangay ng Jesus Dela Pena. Dito siya madalas magmuni-muni at uminom ng mainit na kape matapos siyang magtrabaho sa gabi habang hinihintay ang pagsabog ng araw.
Ipinakita ni Isagani sa amin ang mga obra niya. Makulay at makahulugan ang kanyang mga gawa. Karamihan sa kanyang mga huling ginawa ay gawa sa pintura at acryllic. Natanong ko si Isagani bakit bul-ol ang napili biyang tema sa kanyang mga gawa. "Bul-ol ang isa sa aking mga subject dahil nagustuhan ko ang features nila, Pilipino talaga. Nagpunta kami noon sa Sagada at mula noon ay hindi na nawala ang image ng mga bul-ol sa aking isip." Natanong ko din si Isagani kung ano ang trabaho niya kung hindi man siya pinalad na maging guro o isang pintor. "Baka ako ay isang arkitekto . Mahilig ako sa mga paggawa ng mga diagrams at plano. Sigurado ako na ito ay nakuha ko sa pagiging estudyante sa Marikina Institute of Science & Technology o MIST), na MariSci na ngayon ."
Sa pagiging guro at isang pintor, ano ang mas matimbang para sa iyo, Isagani? "Mahirap na tanong Marikeno! Noong ako ay paslit pa lamang, hilig ko na talaga ang pagguguhit. May maliit na pagawaan ng tsinelas kami sa silong ng bahay at ako ay nagguguhit ng mga disenyo ng mga tsinelas bilang aking paglalaro. Pagkatapos ko ng kolehiyo ay nagturo ako mula 1989 hanggang sa ngayon. Napamahal sa akin ang paaralan at ang aking pagiging guro. Sa ngayon ay nami-miss ko pa rin ang silid-aralan. Pareho kong gusto, kaya nga lamang ay kailangan ko nang pumili ng isa. Nasa sining ang puso ko sa ngayon."
Ano ang pinakamaganda mong alaala ng iyong paglaki sa Marikina? "Maraming alaala sa aking paglaki sa Marikina. Pero eto ang ilan: Naliligo sa ilog na noon ay malinis pa, sumasama sa mga matatanda sa paghuli ng isda sa ilog at sa kubo sa ilog lulutuin, kukuha ng mga gulay sa tumana. Mabagal pa ang takbo ng oras dati at ang lahat ay magkakakilala."
Ano iyong bagay na hindi alam ng mga kaibigan at mga kapamilya ni Isagani? "Wala na siguro. Alam nila na ako ay masayahin, mahilig makipag-kaibigan, tahimik, mahilig mag-obserba sa aking paligid." Matapos ang aming mahaba-habang usapan ay dumiretso kami nina Isagani sa tabing ilog para kumuha ng ilan pang mga litrato. Marami akong natutuhan sa bago kong kaibigan. Lalo akong nabighani sa kagandahan ng Marikina. Hindi lang pala ang mga lugar ang maganda dito sa amin. Pati rin pala ang buhay at kultura ng aming kapwa Marikeno.
2 comments:
wow! Congratz Maestro Gani,in behalf of batch B82 MIST..we're so very proud for having a batchmate,klasmate like you....observe ko din na si Isagani eh mahilig talaga mag observe...i really love his artwork,maybe because his my classmate hahaha..joke bro!...love ko mga paintings nya espcially yung may touch of orange,brown and blue...i have one of his painting,treasure ko yun...actually dapat meron pa til now di pa nya binibigay hehe...well,keep it up bro..more paintings..true blooded marikenyo ka pala...ako kase born in Manila but was raised in Marikina..i love marikina<3
Bago siya napunta sa Leodegario Victorino nagturo muna siya sa Tañong Elementary School, naging guro ko siya sa Math noong grade 4 Section 2 ang kanyang advisory class pero nasa section 1 ako hahaha.. magaling siya magturo at mahal na mahal siya ng mga advisory class nya!
Post a Comment