Sino ba naman ang hindi pa nakakakilala at nakakarinig sa napakagandang boses ni Martin Oliver Solis Dipasupil o mas kilala sa pangalang Mr. DJ Martin D ng FM Radio Station ng ABS-CBN sa Metro Manila, MOR 101.9 For Life?? Lalo na kung ikaw ay isang masugid na nakikinig sa kanyang programa linggo-linggo. Pinuntahan ko siya sa kanyang radio booth sa ABS CBN sa Quezon City para makilala ko pa lalo ang tao na nasa likod ng mikropono.
November 1, 1996, Labing walong taon na ang nakalilipas nang matanggap ni Mr. DJ Martin D ang pinakaaasam niyang trabaho sa DWRR 101.9 FM na ngayon ay mas kilalang bilang MOR 101.9 For Life. Pero bago pa mangyari iyon, nanggaling din siya sa iba’t ibang istasyon ng radio bilang disc jockey at production assistant. Nakapag-trabaho rin siya bilang isang salesman sa isang kumpanya ng alak, bagay na hindi naman niya pinagsisisihan. Dahil na rin sa sikap, tiyaga at lakas ng loob niya sa kanyang trabaho, ngayon ay nakapagpaaral siya ng kanyang tatlong anak sa mga esklusibong paaralan, nakapagpatayo ng sariling bahay at nakabili ng kotse. Ngayon, siya ay nagtatrabaho sa ABS-CBN bilang isang radio production specialist, Lunes hanggang Biyernes. Sa araw naman ng Sabado ay umeere siya sa MOR 101.9 For Life! mula ala-5 ng umaga hanggang ala-9 ng umaga. Siya ang DJ na walang pahinga! Dahil ultimo araw ng Linggo ay may programa pa rin siya mula ala-5 ng umaga hanggang ala-12 ng tanghali. Sa dami ng trabaho niya, hindi ko napigilan ang aking sarili na tanungin siya kung ano nga ba ang kanyang sikreto para mapanatili ang kanyang magandang boses. "Wala naman. Well, I drink cold water. Grabe akong manigarilyo noong araw, pero ngayon, hindi na. walang akong maintenance. No honey, no warm water."
Hindi biro ang magtrabaho sa isang kumpanya ng labing walong taon. Nang tanungin ko siya kung paano niya inaalagaan ang kanyang trabaho, eto ang sabi niya. "When I go on board I always remember that I’m not here to entertain myself. I’m here to entertain them (listeners). Kaya ang assignment ko everyday, kailangan at least may isang tao akong mapangiti o mapatawa na nakikinig sa program ko, masaya na ako. And I always consider my board work as my last. Iyun bang, last na ‘to wala ng Martin D bukas kaya dapat maganda ang programa ko.”
Naikuwento niya din sa amin ang tungkol sa kanyang opisyal na tagapayo at boss, walang iba kundi si Lito "LBJ" Balquiedra Jr.,(+) dating bise presidente ng Manila Radio Division ng ABS-CBN. Lagi niyang naaalala ang mga matitindi niyang mga paalala gaya ng "When you're on board, you go on board good. Give your best shot. You don't have to stand up. Concentrate!" Hinding -hindi niya malimut-limutan ang interbyu sa kanya ni “LBJ” para sa inaaplayan niyang trabahong disc jockey. Tinanong siya ng "Anong meron ka para makumbinse mo ako na kunin kitang disc jockey sa isang prestihiyosong- prestihiyosong FM Radio ng ABS CBN?" Eto naman ang kanyang isinagot, "Sir Magaling ako, Hindi kita papahiyain. Confident ako at meron akong kompiyansa sa sarili." At dahil sa sagot na iyan, noong ala-5 ng umaga ng November 1, 1996 unang napakinggan sa himpapawid si Mr.DJ Martin D at patuloy pa din natin siyang napapakinggan sa radyo hanggang ngayon.
Mahilig siyempre si Martin D. sa musika. Gusto niya ang new wave songs, "Paborito kong makinig sa tugtugin ng The Cure, Siouxsie and the Banshees, The Smiths, New Order at marami pang iba." Marami na rin siyang nakilala at nainterbyu na mga sikat na mang-aawit dahil na rin sa kanyang trabaho. Ilan sa mga foreign artist na naka-usap niya ay sina Mike Francis, Rex Smith, Air Supply, Angela Boffil at iba pa.
Ipinanganak si Martin D. sa San Juan at doon na rin lumaki. Noong 1983, napagdesisyunan ng kanyang mga magulang na lumipat sa Marikina. Nang kinamusta ko ang mga unang taon nila noon sa Marikina, eto lang ang kanyang nasabi. "Naku po! To be honest, ayokong umuwi ng Marikina. Kasi, parang ang layu layo. Kapag tinatanong ako kung saan ako nakatira at kapag sinagot ko na sa Marikina, sasagot sila ng 'Ah, sa bundok.' Iyan ang una nilang sinasabi.”
Bukod sa Aquinas School sa San Juan, si Martin D. ay nag-aral sa OLOPSC noon at sila ang pangalawang batch ng high school graduates noong taong 1987. Una silang nakatira sa F. Torres Street sa Concepcion Uno. Kinamusta ko naman ang buhay nila noon sa Concepcion Uno "Naku Po! Dati, lubak-lubak ang kalye namin. Walang kuwenta ang street namin talaga. Sobrang malalim ang lubak at pag tag-ulan sobrang putik. Kapag papasok na kami sa school ng mga kapatid ko, kailangan muna naming mag-lakad ng mga ilang metro mula sa bahay dahil hindi makakapasok ang service namin.” Pero ayon sa kanya, gumanda at lumaki ang improvement ng F.Torres St. noong 2001. Sa Marikina noong 1992 niya napangasawa si Marissa (Mrs. Martin D) tubong Floridablanca, Pampanga at dito na din sila nagka-anak.
Noong 2002, lumipat sila ng pamilya niya sa Bgy. Fortune. Ang sabi niya "Nung binili ko ang bahay at lupa, rough road din ang kalye namin, pero tiyempong bago kami lumipat, sinemento at inayos ang street namin na parang pang-main road. Maganda at tahimik sa lugar naming sa Fortune."
Kung hindi ka naging DJ, ano ang trabaho mo Martin D? "Sundalo." Agad niyang sagot. "Gusto kong pumasok sa PMA talaga." Pero bakit pagdi-DJ ang pinili mong trabaho? "Siguro, with the encouragement of my friends and classmates way back in high school. Grade 5 pa lang ako sobrang adik na ako sa radyo. Natutuwa ako kapag ginagaya ko ang sinasabi ng mga DJ’s na pinapakinggan ko at pati ang sign-off spiel ng station ginagaya ko “This is radio station DWXB FM. A commercial broadcast station owned and operated by...” nakakatuwang panggagaya niya. Sinabihan daw siya ng mga kaibigan niya na huwag na raw siyang mag-sundalo at mag-DJ na lang.
Napansin kong napapahaba na ng husto ang usapan namin kaya ibinigay ko sa kanya ang pinakahuli kong katanungan at napakaganda ng kanyang sagot sa akin. Ano ang maipapayo mo sa mga mambabasa natin na hanggang ngayon ay hindi pa alam kung ano ang gusto nilang trabaho? "Isipin mo kung ano ba talaga ang gusto mo? Saan ka magaling? Kung gusto mong maging disc jockey, magbasa ka nang magbasa. Mapa-komiks man iyan, tabloid, Tagalog o Ingles. Makinig ka nang makinig ng radyo. Huwag lang sa isang istasyon at sa isang DJ. Huwag mo gagayahin ang kanilang estilo. Gumawa ka ng sarili mong style, sarili mong identity. Be yourself. Kailangan mo din minsan ng tapang, lakas ng loob at kapal ng mukha. You need to have the guts. Huwag kang mahihiya."
Pahabol pang katanungan: Ano ba ang sikreto ni Mr.DJ Martin D para maging magaling na radio DJ? "Keep on striving to be different but be humble to look back to where you set foot. Iyon lang ang sikreto ko. Walang mangyayari kung uunahin mo ang yabang. Huwag kang magpakalunod sa isang basong tubig". pagtatapos niya.
1 comments:
ERPATS KO YAN!
Post a Comment