7.07.2014

Patricia Ismael

Filled under:


Madalas nating makita si Patricia Ismael sa mga naglalakihang pelikula, mga programa at patalastas sa telebisyon. Malimit nating siyang mapanood sa telebisyon bilang katulong, kontrabida, sidekick at komedyana.  Nagpapatawa at naghahatid sa ating manonood ng tuwa at kasiyahan. Ngunit alam niyo ba na isa rin siyang Marikeña?

Kilala siya ng kanyang pamilya at mga kaibigan sa pangalan na Maria Christina Ismael o Tina sa totoong buhay. Ipinanganak siya sa Caloocan at merong dalawang nakababatang kapatid.  Madalas silang magpalipat ng bahay noon. Sandali lamang silang tumira sa Caloocan, tapos ay lumipat sila sa Muñoz at nung huli naman ay sa Tondo.

May konting pagka-mataray daw siya noong bata siya kaya medyo hirap siyang makahanap ng mga kaibigan. Hilig niyang kantahin ang mga awitin nina Eva Eugenio, Janet Basco at lalung lalo na, si Imelda Papin. Kapag iniiwan daw sila ng kanilang nanay sa bahay upang magtrabaho, madalas niyang kinakantahan ang kanyang mga kapatid ng awitin ni Imelda Papin na "Huwag". Naniniwala din siya na iba ang pagdidisiplina ng mga bata noong araw kaysa sa ngayon.

Gaya ng ibang mga bata, nahilig din siyang maglaro ng patintero, piko at tagu-taguan. Naikuwento niya sa akin na noong minsang natuto siyang mag-luksong lubid ay buong araw siyang nagtatalon. Inikot niya ang kanilang buong lugar maghapon kakalaro ng luksong lubid. Pagkatapos ay umuwi nang pawis na pawis sabay naligo ng malamig na tubig. Noong kinagabihan ay sumakit ang kanyang buong katawan at idinahilan na "namamatanda" daw siya kaya siya nagkaganoon.

Sa General Vicente Lim Elemetary School siya nag-aral ng Elementarya at sa Manila High School naman siya nagtapos ng high school. Parehong nakatapos siya na merong nakamtan na karangalan. Noong nasa kolehiyo siya, napagdesisyunan niyang sa Unibersidad ng Santo Tomas siya mag-aral hindi lamang dahil sa maganda ang turo dito, ngunit dahil na rin sa ito ang isa sa mga pinakamadaling puntahan na kolehiyo kung galing ka ng Tondo. Doon siya nakapagtapos ng kursong Mass Communication na kung saan ay naging kasabayan niya sina JV Villar (TV reporter) at Jennifer Sevilla (ex-actress).

Noong taong 1997, naimbitihan siya ng kanyang kaibigan na dumalo ng isang pagtitipon sa Music Box, isang sikat na comedy bar sa Quezon City.  Dito nakilala ang mga tanyag na mga komedyante gaya ni AiAi delas Alas, Arnel Ignacio, Ate Gay at Tsokoleit.  Dito siya nagsimulang kumanta at dahil sa kanyang kakulitan sa mga hosts at sa galing magpatawa ay nagustuhan siya ng mga manonood. Sa kadahilanan na ayaw niyang makilala ng ibang tao, Patricia Ismael ang kanyang ibinigay na pangalan na siya na rin niyang ginagamit ngayon na screen name sa telebisyon at pelikula.

Itinuturing niyang mga dakilang mentor niya sina Ate Gay at Inang Sonny Pinca.  Sila ang nagturo sa kaniya ng tamang ritmo sa pagkanta at tamang timing sa pagpapatawa.  "Kasi kapag bata ka, bato ka lang ng bato ng mga sinasabi mo. Daldal ka lang ng daldal. So, sila ang nagtatama noon. Tinuruan nila akong magsalita ng mas mabagal," sabi ni Patricia.

Nadiskubre siya noon para sa telebisyon noong nagtratrabaho siya sa Basilica sa Malate.  Panauhin nila sina Maryo J. delos Reyes (tanyag na direktor) at Linggit Tan, isang executive ng ABS-CBN. Naghahanap daw sila ng babaeng komedyante para sa isang bagong palabas sa telebisyon nina Aga Muhlach at Joyce Jimenez na "The Body and the Guard."  Kinabukasan ay tinawagan agad siya ng isang talent coordinator na si Winnie Mariano para mag-audition.


Hindi man ipinanganak si Patricia sa Marikina, malaki pa rin ang papel ng Marikina sa buhay niya dahil dito na sila nakapag-asawa ni Barette. Dito na nila nabili ang pinapangarap nilang bahay pitong taon na ang nakakaraan. At dito sila binayayaan ng isang pagkaganda-gandang anak, si Cleona.  Nang kamustahin ko naman ang buhay nila dito sa Marikina, eto ang kanyang nasabi: "Relaks ang buhay dito sa Marikina, tahimik.  Puwera lang sa kapitbahay ko na nag-aalaga ng sandamukal na aso." Sabay tawa. "Hilig kong magbasa ng mga libro kapag walang ginagawa.  Gusto ko ang The Secret, sinulat ni Rhonda Bryne at mga vampire books ni Anne Rice." Dagdag pa niya. 

Mapapanood na ngayon sa sinehan ang So, It's You with Karla Abellana and Tom Rodriguez. Siyempre, kasama si Patricia. Tapos ay meron din tayong ibang aabangang pelikula gaya ng The Gifted kasama sina Anne Curtis at Sam Milby.  May project din siya sa TV5, ang pagbabalik-tambalan nina Megastar Sharon Cuneta at Richard Gomez.

Nang hingan namin siya ng payo para sa ibang Marikeño na nagnanais maging komedyante tulad niya: "Like what you do. Para yung ginagawa mo, hindi siya trabaho. Kung gusto mong pumasok sa pagiging komedyante, mag-invest ka." At paano mag-invest ang mga komedyante (pahabol ko)? "Magbasa ng maraming aklat na sinulat ng ibang komedyante.  Watch comedy shows pero huwag kopyahin ang kanilang materyales. Come up with your own. Be unique!" Pagtatapos ni Patricia. Sundan si Patricia sa Facebook sa kanyang GreatFinds.

Pasasalamat:  Maraming maraming salamat sa grupo ng Greg & Sally Tree Garden Cafe na matatagpuan sa #145 Ipil corner Champaca Street, Marikina Heights.  Maaliwalas ang ginawa naming interview kasama si Patricia Ismael at pagka-sarap sarap ng mga pagkain.  Maraming salamat din sa mga litrato na kuha ni PJ Eclevia.

0 comments: